Naibaba na mula sa Pamahalaang Nasyunal ang P 2,714,996,000.00 na kabuuang halaga ng financial assistance para sa lalawigan ng Laguna kasabay ng pagkakalagay nito sa ECQ nitong Agosto 6 hanggang 20, 2021.
Ayon kay Laguna Gov. Ramil Hernadez, tinatayang aabot sa 2.7 million na indibidwal o 80% ng low-income population ng lalawigan ang target na mabibigyan ng ayuda. Aniya, ito ay base na rin sa naging huling distribusyon ng ayuda noong nakaraang buwan ng Abril.
"Sinikap po natin na makakuha ng nasabing ayuda upang masiguro na mapunan ang pangangailangan ng mga kalalawigan natin na pinaka-apektado ng ECQ. Nagpapasalamat tayo sa Pamahalaang Nasyunal para sa tulong na ito", banggit ni Hernandez.
Kanya ring idinagdag na ang computation ng alokasyon para sa bawat bayan at lungsod ay ibinase aniya ng Department of Budget and Management (DBM) sa datos ng Philippine Statistics Agency (PSA) sa low-income population ng LGU o sa naging actual disbursement ng mga naunang ayuda.
"Ang budget po na ito, kasama ng mga guidelines sa pamamahagi ng ayuda, ay iniatas ng Pamahalaang Nasyunal sa mga Local Chief Executive ng bawat bayan o lungsod. Bilang gobernador, binibigyan natin ng discretion ang mga mayors na gumawa ng mainam na sistema sa pagbabahagi ng financial assistance. Nagbaba rin tayo ng memo sa mga mayors para sa maayos na distribusyon at pagsunod sa mga health protocols", dagdag ni Hernandez.
Kanya ring nilinaw na ang patungkol umano sa kung sino ang mga mabibigyan ng ayuda, na ayon sa kanya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay naglatag ng priority list, at ito ang sinusunod ng mga LGU. Aniya pa, batid ng lahat na ang bawat isa ay apektado at nais man na mabigyan ang lahat na pamilya, nguni't ang budget aniya ay limitado lamang.
"Ang ilang bayan at lungsod ay nagsimula nang mag-anunsyo para sa pamamahagi ng ayuda, at asahan natin na sa mga susunod na araw ay magkakaroon na rin ang mga iba pang bayan. Tayo naman po sa Pamahalaang Panlalawigan ay nakabantay at naka-suporta sa ating mga LGU sa kanilang mga hakbang sa gagawing distribusyon, at patuloy na nagpapaalala na maging mahigpit sa pagsunod sa mga health protocols", pagtatapos ng gobernador.
Source: (Gov. Ramil L. Hernandez FB Page)
No comments:
Post a Comment