Thursday, July 8, 2021

VILLAR : CAVITEX C5 LINK BUBUKSAN SA 2022

Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark A. Villar, kasama ang mga representante ng Cavitex Infrastructure Corporation (CIC) ang inspeksyon para tingnan ang progreso ng konstruksyon ng Segment 2 at 3A2 ng ginagawang  CAVITEX C5 Link expressway.  

Nagtungo ang inspection team sa CAVITEX kung saan kasalukuyang ginagawa ang rampa na magkokonekta sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex) sa C5 Link. Parte ito ng 1.9km, 2x3 lane portion ng Segment 2 ng proyekto na makatutulong sa mga motoristang umiwas sa mabigat na trapiko sa Sucat Road at Quirino Avenue, mula CAVITEX tungong Sucat. 

Kasama rin sa ininspekyon ang construction site ng 1.6 km, 2x3 lane na Segment 3A2 na magkokonekta naman ng Merville Interchange sa RSG Subdivision sa Pasay. Ang Cavitex C5 Link ay parte ng Manila-Cavite Toll Expressway Project na joint venture project ng CIC at ng Philippine Reclamation Authority. 

“ Katuwang ang CIC, doble ang ginagawa naming pagsisikap sa pagpapatayo ng mga istruktura ng CAVITEX C5 Link habang patuloy na pinangangalagaan ang kaligtasan ng mga manggagawa upang masiguro na makukumpleto ang Segment 3A2 sa first quarter ng 2022; at ang Segment 2 sa third quarter din ng susunod na taon” lahad ni DPWH Secretary Mark Villar. 

Ayon din sa CIC, bukod sa striktong pagsunod sa IATF guidelines laban sa COVID-19, patuloy din ang pagbibigay nito ng shuttling service at Personal Protective Equipment (PPE) sa mga empleyado nito. Gayundin, kamakailan, ay sinimulan ng kompanya ang vaccination program nito para protektahan ang lahat ng manggagawa laban sa naturang virus.  

Sa kasalukuyan, ang operational segment ng CAVITEX C5 Link ay ang Segment 3A1 na nagkokonekta sa Merville tungong Taguig, ay nagbibigay serbisyo sa humigi’t kumulang 12,000 motorista kada araw, ngunit sa oras na matapos ang kabuaan ng 7.7-kilometer segment, tinatanyang nasa 50,000 motorista mula sa Taguig, Makati, Las Pinas, at Pasay ang maseserbisyuhan nito.  

“Sa progresong nakita namin ngayong araw, kami ay umaasang matatapos ang CAVITEX C5 Link na naayon sa plano. Kami ay patuloy na nagsisikap na matopos ang proyektong ito sa kadahilanang  malaking kaginhawahan ang maidudulot nito sa ating mga motorista, gaya ng pagbabawas nito sa trapiko sa EDSA, Sales Road at iba pang mga daan sa paligid nito. Ito rin ay makakatutulong na mapabilis ng kulang kulang 45 minuto ang biyahe ng mga motorista mula CAVITEX R1 papuntang Makati at Taguig”, dagdag ni Villar.  

Ang CIC ay isa sa mga subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC). Bukod sa CAVITEX at CALAX, hawak din ng MPTC ang concession rights ng North Luzon Expressway (NLEX), NLEX Connector Road, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) sa Cebu. ###

No comments:

Post a Comment